Makati, Philippines—Nakahanda ang Department of Trade and Industry (DTI) na tulungan ang mga lokal na negosyong naapektuhan ng Bagyong Kristine sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa pribadong sektor at iba’t ibang stakeholders.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maging proactive ang lahat ng ahensya ng gobyerno sa pagtugon sa epekto ng Bagyong Kristine, binigyang-diin ni DTI Secretary Cristina A. Roque ang layunin ng DTI na tulungan ang mga negosyo sa kanilang pag-recover.
“Aktibo kaming nakikipag-ugnayan sa aming mga katuwang sa pribadong sektor, kabilang na ang industry associations, upang magamit ang resources at makapagbigay ng agarang tulong sa mga apektadong negosyo,” ani Secretary Roque.
Binigyang-diin din ng pinuno ng DTI na nakikipagtulungan ang Kagawaran sa lahat ng kinauukulang ahensya at organisasyon upang matiyak na makakabangon ang mga lokal na negosyo mula sa epekto ng bagyo.
“Sa pamamagitan ng mga pakikipagtulungang ito, aming maipapamahagi ang mga resources tulad ng tulong pinansyal, business advisory services, at market access upang matulungan ang mga negosyo na malampasan ang mga hamon na dala ng bagyo,” pahayag ng kalihim.
“Ang aming pangunahing prayoridad ay mapadali ang mabilis na pagbangon ng mga negosyo dahil mahalaga sila sa pagsuporta sa kabuhayan ng maraming Pilipino,” dagdag niya.
Bilang karagdagan sa mga hakbang na ito, nagpatupad na ang DTI ng price freeze sa mga pangunahing bilihin sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity.
“Automatic na may price freeze sa mga pangunahing bilihin sa lahat ng lugar na nasa ilalim ng state of calamity. Maaaring manatiling updated ang mga mamimili tungkol sa mga bulletin ng price freeze sa pamamagitan ng pagsunod sa DTI Philippines sa social media,” ani ng kalihim.
Hinihikayat ng DTI ang mga apektadong negosyo na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na Negosyo Centers o DTI regional offices para sa impormasyon tungkol sa mga assistance na maaaring maibigay ng DTI. ♦
Date of release: 24 October 2024